Tuesday, 9 July 2013


  • PBB Update as of July 5, 2013:TEACHERS PLEASE SHARE!
    -----------------------------------------
    Biyernes, Hulyo 5, nakipagdayalogo ang mga lider ng Alliance of Concerned Teachers at Manila Public Schools Teachers Association kay Assistant Secretary Jesus Mateo, para sa Planning and Development ng Department of Education, hinggil sa kalagayan ng implementasyon ng Executive Order 80 o ang Performance Based Bonus.
    Ano na nga ba ang mga nagaganap? Narito ang ilang mga puntong ibinahagi sa atin ni Asec. Jesus Mateo.

    1. Sa 224 Dibisyon ng DepEd sa buong bansa, 90% na ang nakapagpasa ng kanilang mga data na kailangan para sa PBB evaluation.
    2. Kaya lang 50% (ng 90%na submitted na) pa lang ang na validate na ang mga required data. Iyong iba ay ibinalik dahil sa mga maling datos gaya ng maling input sa MOOE at ang isang rehiyon naman ay sinama ang mga titser na paid ng local government – dapat nationally-paid teachers lang ang kasama.
    3. May 10% pa ang hindi pa nakakapagpasa.
    4. Idinagdag pa ni Asec Jesus Mateo na ang basis ng evaluation ng PBB ng bawat paaralan at dibisyon ay ang comparison ng performance noong 2011-2012 at ang 2012-2013 school year.
    5. Tatlong dibisyon mula sa NCR ang hindi pa nakakapag sumite ng validated na data. Hindi ito pinangalanan ni Asec Jesus Mateo.
    6. Nagmungkahi din si Asec Jesus Mateo na umuupo sa pulong ng Inter-Agency Task Force na binuo ng DBM para sa implementasyong ng PBB sa Deped na kung pwedeng gawing “Gradual” ang implementasyon ng naturang bonus. Aniya, kung may 50% nang validated ay pwede na silang maunang mabigyan.
    7. Ang natitira naman daw na 10% na hindi pa naka comply ay posibleng hindi na masama sa rating ng “best” pag tapos na ang deadline at hindi pa sila nakakapag submit. Maaaring sa “better” na lang daw sila pupuwede.
    8. At, binanggit din ni Asec Jesus Mateo na ang mga titser na nakatanggap ng outstanding award sa mga national na “search” kaugnay nito ay siguradong “best” na ang rating kahit pa ang division nila ay wala pang requirements na nakumpleto.
    9. Nabanggit din nya na nagtakda na ang DEPED ng deadline hanggang July 15 para makapagpasa at ma validate na ang mga datos ng mga paaralan at mga dibisyon na hindi pa nakakapag pasa.
    10. May proposal din na I-revise ang guidelines ng PBB dahil sa mga negatibong feedback sa September, 2013.

    Sa dialogue na ito nagbigay ang ACT ng position paper natin hinggil sa PBB. Naglinaw si Benjie Valbuena, Chairperson ng ACT at President ng ACT-NCR Union na ang ACT ay para sa pag-“SCRAP” ng PBB. Ang pinakatama na dapat gawin ay ang magbigay ng “Across the Board Salary Increase” sa lahat ng guro at kawani ng pamahalaan.

    Ang mga kaganapan na nangyayari sa pagpapatupad ng PBB ay lalong nagpatingkad sa paniniwala ng ACT na hindi talaga ang Performance Based Bonus ang dapat gawing batayang para bigyan ng insentibo at benepisyo ang mga guro at kawani ng pamahalaan. Malinaw na ito ay mapanghati at mapanlinlang.

    Sa bahagi lalo ng mga guro at mga eskuwelahan, alam naman natin na malaking factor ang sitwasyon o komunidad na kinaroroonan nila, ang availability ng mga supplies, facilities at mga pangangailangan sa pagtuturo at sa maayos na pag-aaral ng mga estudyante. May mga eskuwelahan tayo na dahil sa tulong ng mga local na pamahalaan ay kumpleto sa mga maayos na silid paaralan at iba pang facilities kung kaya’t hindi na kailangang magsiksikan ang mga bata sa silid paaralan samantalang sa ibang lugar, lalo na sa mga “urban poor” areas at sa malalayong barangay at barrio ay may mga guro na nagtitiyagang magturo sa mga siksikan na mga classrooms, sa mga “make-shift” na mga classrooms at sa ibang pagkakataon kahit sa ilalim lamang ng mga puno. May mga guro pa nga na nagtuturo ng “multigrade classes” hanggang ngayon. At ang ganitong kalagayan ang malaking factor na makakapaglimit sa mataas na rating ng ilang dibisyon at eskuwelahan dahil sa mga limited na output.Sa mga ganitong sitwasyon, talagang hindi makatarungan na ang performance based bonus ang paiiralin ng gobyerno. At, malinaw na rin ang paghahati hati nito sa ating hanay.

    Tuloy tuloy nating tutulan ang PBB!!! Ipaglaban natin ang Salary Increase sa mga Guro at Kawani ng Pamahalaan – Suportahan at Isulong ang House Bill No. 245 – An Act Increasing the Minimum Monthly Salaries of Public School Teachers to Twenty-Five Thousand Pesos and Non-teaching Personnel to P15,000!!!!!

    10:05 PM

No comments:

Post a Comment